Pancho Kit Del Mundo -
[5] Terenz Dimagiba
Dama ang pawis sa buong katawan sa gitna ng tirik na araw, napaupo ako sa may hardin sa labas ng mansiyon dala ng pagod. Halos manuyo na ang aking lalamunan dahil sa ginagawang pagupit at pagdidilig ng mga pananim sa palibot ng mansiyon. Si Nanay Matilda naman ang nagpresinta na maglilinis sa loob ng mansiyon ngayon kung kaya naisipan ko na pagtuonan muna ng pansin ang hardin. Ani kasi ni Nanay Matilda, ayaw raw ni Sir Pancho na may makitang isang utusan na palaboy-laboy lang o halos walang ginagawa. Sayang nga naman talaga ang pinapasweldo mo sa iyong tauhan kapag nakita mo na pa easy-easy lang sila.
Narinig kong bumukas ang sliding door sa aking likuran na ikinalingon ko. Hindi kalayuan sa pwesto ko ang swimming pool kung kaya hindi na ako nagulat nang makitang lumabas mula roon ang aking amo na tanging cotton shorts lang ang suot at walang pang-itaas. Hinagis niya ang kaniyang puting cotton na roba sa upuan na nasa gilid ng pool. Infairness, alagang gym nga si Sir, hubog na hubog ang katawan na animo'y iniskulpa ng masinsinan. Halos nagpupumutok ang mga masel niya at klarong-klaro ang ilang patong na abs niya. Kaysa naman sa akin, patpatin. Ano nga ang tamang linya para riyan? Sana all?
Nagkibit na lamang ako ng balikat at babalik na sana sa ginagawa nang matigilan lang ako dahil sa pagngiti niya pagkatapos tumunog ang kaniyang cellphone. Malamang isang mensahe ang natanggap niya. Nakita ko kung paano niya kinagat ang ibaba ng kaniyang labi habang nagtitipa roon. Hinalikan niya pa ang screen ng kaniyang cellphone pagkatapos, sabay padaan ng kamay niya sa malambot niyang buhok.
Ah, malamang iyong syota niya na nagngangalang 'Ellie' ang dahilan ng labis na galak sa kaniyang mukha.
"What are you looking at, pauper?" aniya na nakapagpabalik sa aking ulirat.
Halos tuktukan ko ang aking ulo nang madala ako sa kakatitig sa bawat galaw niya na nakalimutang ko nang umiwas. Tumama ang mga mata ko sa disgusto niyang titig sa akin kung kaya napayuko ako at tahimik na lang na bumalik sa aking ginagawa. Habang tinitignan ko ang marumi kong mga kamay dala ng pagbubungkal sa lupa ng kaniyang lupain, hindi ko masisisi kung madidisgusto siya sa akin. Ito ang buhay ng isang dukha kagaya ko kumpara sa buhay niyang namulat sa yaman.
Narinig ko ang tunog ng tubig sa aking likuran hudyat na tumalon na siya sa swimming pool. Tumayo ako at pinagpag ang aking mga kamay sa kupas ko nang pantalon. Winalis ko muna ang mga patay na dahong pinagugupit ko sa kaniyang hardin bago ko napagdesisyunan na ang kotse naman niya ang aking lilinisin. Ibinalik ko sa bodega sa likuran ng mansiyon ang mga ginamit ko kanina sa paghahardin, hinugasan ang aking mga kamay sa maliit na gripo malapit doon sabay hinilamusan na rin ang aking mukha. Nakabawas iyon sa lagkit at alinsangan na aking naramdaman.
"Hoy," biglang tawag niya sa akin habang naglalakad ako patungo na sana sa may grahehan nila.
Lumingon ako sa pool at nagbaba ng tingin kung saan siya ay nakapwesto na sa may gilid nito, nakaangat ang ulong nakatingin sa akin. Basang-basa na siya na tila dumudulas lang ang tila kristal na tubig mula sa kaniyang buhok patungo sa kaniyang maputing leeg hanggang sa mabuhok niyang dibdib.
"Ano po iyon, Sir?" magalang kong tugon..
"Lemonade. Dalhan mo ako ng lemonade rito at ilagay mo riyan sa mesa kung nasaan ang roba ko," pag-uutos nito na walang alinlangan ko namang sinunod. "Masusunod po."
Ngunit, hindi ko alam kung malas ba ako ngayong araw dahil sa paghakbang ko, nadulas ako sa basang tiles sa gilid ng pool. Dirediretso ang bagsak ko sa tubig na kaylalim, pero dahil namulat ako sa dagat, walang kahirap-hirap sa akin ang umahon.
"Fuck! How dare you stain the water with your dirt, pauper!" agaran ang salubong ng baritonong sigaw ni Sir Pancho sa akin pagkaahon ko mula sa tubig.
Kalma Renz, huwag mo siyang sagutin. Pagpapakalma ko sa aking sarili dahil sa maanghang na mga salitang binitawan niya.
"Pasensiya na, Sir, nadulas po kasi ako," pagpapaumanhin ko kaso, malakas niyang tinampal ang isang kamay sa tubig dahilan para mapapikit ako nang tumalsik ang tubig sa aking mukha. Mabilis siyang umahon sa tubig at namumula ang mukha dala yata ng inis. Kitang-kita ko ang pandidiri niya sa kaniyang mga mata. Grabe, ganoon na ba kadumi ang paningin niya sa akin?
"Get off there then change the fucking water, hindi ako maliligo riyan ulit hanggang nandiyan ang lansa mo. Understood?" walang habas niyang saad kung kaya napapikit na lang ako sa labis na inis.
Umahon na rin ako pagkatapos niyang sumalampak sa upuan at balutin ng roba ang kaniyang katawan. Sinuklay niya ang kaniyang buhok gamit ang kaniyang mga daliri pagkatapos ay nagsimula ulit na magtitipa sa kaniyang cellphone. Ang dikit niyang kilay ay muling umaliwalas nang nasa cellphone na naman niya ang kaniyang atensiyon. Bumuntong hininga ako at tinanggal muna ang pang-itaas kong damit dahil mabigat na ito dala ng tubig. Tinutok ko ang atensiyon sa pool gaya ng inutos niya at pinuno ulit iyon ng panibagong tubig. Sumulyap ako sa gawi niya at nadatnan ko na nakatitig siya sa aking katawan. Nailang naman ako bigla, ngayon lang ako nakaramdam ng kakarampot na hiya kahit lalaki ang nakatingin sa akin. Sa lugar naman namin ay nakasanayan ko na hubo't baro kasama ang iba pang maningisda at walang pakialam kahit nagkakakitaan kami ng laman. Lalaki naman, eh, anong mali roon? Pero sa mga mata ni Sir Pancho, hindi ko alam kung bakit natablan ako ng kakarampot na ilang at hiya. Sa paraan ng paghagod ng kaniyang kulay na abo na mga mata sa aking kahubdan, nanindig yata lahat ng balahibo ko sa katawan. Malamang iniisip niya na baka malibag ang balat ko dahil sa aking kulay. Moreno lang ako, hindi ako maitim.
Umakyat ang mga mata niya sa aking mukha at nagtama ang aming paningin. Nagulat ang mga matang iyon nang makita na nakatingin din pala ako sa kaniya. Umiwas din ako ng tingin at ibinalik ang aking atensiyon sa pool. Narinig ko ang malakas na pagpatong niya ng kaniyang cellphone sa salamin na mesa. Nainis ba siya? Bakit naman?
"Sir, okay na po," sabi ko nang matapos ko nang mapalitan ang tubig ng pool. Nakapatong ang aking damit sa isa kong balikat, kailangan ko muna sigurong magpatuyo ng kaunti bago pumasok ng mansiyon. Mahirap na, baka madungisan ko ang malinis niyang tiles sa loob at masabihan na naman na dinumihan ko iyon.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo, halos tabunan ako ng kaniyang taas. Mahaba ang mga biyas ko, pero mataas pa rin siya kesa sa akin. Napatingala ako sa kaniya at nakita ang medyo nakaawang niyang labi habang nakatitig na naman sa aking katawan. Taka naman akong napatitig sa aking sarili kung ano bang meron, pero ang basa, mapayat at tan ko na tiyan lang naman ang nandoon. May mali na naman ba siyang nakikita sa akin?
"Damn, why are -" naputol sa ere ang halos bulong niyang sasabihin nang malakas na pumalinlang ang tunog ng kaniyang cellphone. Halos sabay kaming napalingon doon at nakita ko ang pangalan na 'My Babe' na tumatawag yata sa kaniya.
Halos masubsob ako sa lupa sa malakas niyang pagkahahawi sa akin paalis sa nakaharang niyang cellphone. Pinanlakihan niya ako ng mata na tila sinasabing, "Lumayo ka na sa akin". Tinalikuran ko na lang siya at naisipang kuhaan na siya ng lemonade na inuutos niya kanina.
"Babe," dinig ko pa ang malakas niyang sabi, hindi ko alam kung sadyang pinaparinig ba niya iyon sa akin.
Umikot ang aking mga mata. Mas malas yata ang syota niya kaysa sa akin dahil nagkasyota siya ng matapobre at walang modo na tao.
"Terenz, ijo, how was your first day?"
Napapreno ako sa paglalakad nang makita kung sino ang kausap ni Nanay Matilda sa sala at nakangiting nakatingin na ngayon sa akin. Labis akong nasiyahan! Gumanda na bigla ang araw ko dahil sa bumisita ngayon dito. Malamang galing pa siya sa trabaho dahil nakapormal pa siya na kasuotan.
"Ninong!"
If you replace any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.
Report