"Babe..."

Humarap siya sa kinatatayuan ko at nanlalaki ang mga matang tumingin sa akin. Pinilit ko namang manatiling kalmado habang pinipigilan ang sarili kong ikuyom ang aking kamao dahil sa inis. "Totoo nga?" tanong kong muli.

Ibinaba niya ang hawak na telepono sa lamesa niya bago dali-daling lumapit sa akin. Hinawakan niya ang dalawa kong kamay samantalang walang emosyon ko naman siyang tiningnan. "K-Kanina ka pa rito? I already picked up Chantal and Jarvis and you weren't there so I—"

"Sumagot ka sa akin, Preston. Narinig ko ang sinabi mo kanina," pagputol ko sa kung ano mang dapat niyang sasabihin bago ako muling humugot ng malakas na buntong hininga. "Anak mo nga sa ibang babae si Chantal?" "Babe..."

Umiling ako nang hindi niya sinagot ang tanong ko. Pilit kong iwinaksi ang dalawang kamay ko na hawak niya ngunit kahit na anong pilit ko ay hindi niya iyon binitiwan.

"Isa lang ang gusto ko, Preston. Sabihin mo sa akin kung tama ang narinig ko o hindi. Anak mo ba si ibang babae si Chanta—“

"Yes."

Mariin kong ipinikit ang aking mga mata matapos marinig ang sagot niya. Ang sinabi sa akin ni Margaix, totoo nga iyon at hindi lamang paninira. Binabalaan niya nga talaga ako kay Preston.

"Ibig sabihin, tama siya..." mahinang sambit ko at pekeng tumawa. Iminulat ko ang mga mata ko at muling tumingin kay Preston na ngayon ay hindi pa rin inaalis ang mata niya sa akin. "Sabagay. Bakit nga ba naman hindi ako maniniwala sa ex-wife mo, ano? May point nga naman kasi siya. Masiyado nga lang yatang sarado ang utak ko kaya akala ko, sinisiraan ka lang niya."

"So she's the one who told you that?"

Tinaasan ko siya ng kilay. "Dapat nga magpasalamat pa ako sa kaniya na sinabi niya, e. Kung hindi niya sinabi at kung hindi ko aksidenteng narinig mula sa 'yo, sasabihin mo ba sa akin ang totoo?"

Hindi siya sumagot at sa halip ay nag-igting lamang ang panga at nag-iwas ng tingin sa akin. Malakas naman akong bumuntong hininga at hindi makapaniwalang napailing.

"So, hindi mo sasabihin. Hahayaan mo akong magmukhang tanga at isipin na napakasamang babae ng ex-wife mo dahil iniwan niya kayo ng anak niya. Halos isumpa ko sa inis 'yong babae dahil sa ginawa niya kay Chantal tapos... hindi niya naman pala anak 'yon? Wala naman pala siyang responsibilidad simula pa lamang kaya ang lakas ng loob niyang iwan kayong dalawa,” dagdag ko pa.

Tulad kanina, nanatiling tahimik si Preston at nakatingin lamang sa kawalan. Nagpatuloy naman ako sa pagsasalita.

"Hanggang kailan mo balak ilihim sa akin ang totoo? Preston, girlfriend mo ako. May karapatan akong malaman kung anong nangyari sa buhay niyo at ni Chantal kasi sabi mo, pamilya tayo. Bakit ka nagsisinungaling sa akin? Bakit mo itinatago ang bagay na 'to? Wala ka man lamang bang tiwala sa akin, ha?"

"Fine." Malakas siyang bumuntong hininga bago tumingin sa gawi ko. "All right. Aaminin ko na mali ako dahil itinago ko sa 'yo ang totoo tungkol kay Chantal. Fine, sabihin na natin na I cheated on my ex-wife. Aksidente akong nagkaroon ng anak sa iba at si Chantal ang batang iyon. And no, wala akong balak sabihin sa 'yo ang totoo-"

"Gago ka ba?!" Hindi ko na napigilan ang sarili kong sumigaw nang marinig ang sinabi niya. Mabuti na lamang at isinara ko ang pinto kaya't hindi kami maririnig ng mga tao sa labas. "Hindi mo sasabihin sa akin? Preston, nakipagsabunutan ako sa ex-wife mo kasi akala ko ang sama-sama niyang tao dahil kumabit siya tapos 'yon naman pala, ikaw ang nauna-"

"It's hard to explain but it's not like that," pagputol niya sa dapat ay sasabihin ko kaya't tiningnan ko siya nang masama.

"Anong hard? Ipaliwanag mo sa akin para maintindihan ko ang sitwasyon. Hindi ako matalino pero hindi rin naman ako ganoong kabobo, Preston. Susubukan naman kitang intindihin basta sabihin mo sa akin kung anong nangyari." "Hindi mo nga kaagad maiintindihan-"

"Gaano bang kabobo ang tingin mo sa akin at tingin mo ay hindi ko maiintindihan? Preston, girlfriend mo ako at para ko na ring anak si Chantal. Sabi mo, pamilya tayo pero wala man lamang akong kaalam-alam tungkol sa bago kong pamilya? Preston naman! Bakit mo nagawa 'yon sa ex-wife mo? Paanong nabuo si Chantal samantalang kasal ka sa asawa mo at masaya naman ang relasyon niyo? Sinong nanay ni Chantal... sabihin mo sa akin." Muli siyang nag-iwas sa akin at pinaluwagan ang suot niyang necktie. "No secrets? Gusto mong malaman ang lahat? Unfair sa 'yo kasi hindi ko kaagad sinabi sa 'yo ang totoo?? Nagagalit ka dahil ayaw kong sabihin sa 'yo kung sino ang totoong nanay ni Chantal? Huh."

Kumunot ang noo ko at hindi siya makapaniwalang tiningnan. "Malamang. Sino ba namang hindi magagalit kung-"

"Then fine. Sasabihin ko sa 'yo kung sinong nanay ni Chantal kapag sinabi mo rin kung sinong tatay ni Jarvis."

Tila naestatwa ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang sinabi niya kaya't gulat at hindi makapaniwala akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Hindi tulad kanina, seryosong-seryoso na rin ang ekspresyon ng mukha niya na animo'y desididong malaman ang katotohanan.

Nagpakawala ako ng malakas na buntong hininga at umiling. "Ano? Ibinabalik mo na sa akin ang tanong na 'yan? Bakit biglang napunta sa akin ang sisi? Ako ang nagtatanong sa 'yo rito, Preston. Tungkol sa 'yo at kay Chantal ang pinag- uusapan natin kaya naman bakit biglang nasali rito ang tatay ni Jarvis, ha?" Inis na tanong ko sa kaniya.

"See? We're just the same, Lyana. May sikreto ka rin sa akin at ayaw mong sabihin. Kung anong nararamdaman mo ngayon, 'yon din naman ang nararamdaman ko. So let's just forget about this and move on, huh?" "Move on?" Mapait akong tumawa at hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya. "Naririnig mo ba 'yang mga sinasabi mo, ha? Anong move on? Anong kalimutan nalang? No! Gusto kong malaman ang totoo-" "Sasabihin ko sa 'yo kapag sinabi mo sa akin kung sinong tatay ni Jarvis. That's it."

Nagtiim ang bagang ko matapos niyang putulin ang dapat na sasabihin ko. Sinubukan ko pang makipagsukatan ng tingin sa kaniya ngunit hindi siya sumuko at seryoso lamang akong tiningnan.

Alam ko sa sarili ko na kahit kailan, hindi ko masasabi sa kaniya kung sino ang tatay ni Jarvis dahil maging ako, hindi ko rin alam kung sino. Paano ko masasabi sa kaniya na nabuntis lang ako ng kung sino mang lalaki at hindi rin pinanagutan tulad nang una?

Kinagat ko ang aking ibabang labi at nag-iwas ng tingin sa kaniya. Kung hindi ko sasabihin sa kaniya, hindi ko rin malalaman kung sinong totoong nanay ni Chantal at kung ano ang tunay na nangyari kaya sila naghiwalay ng ex-wife niya. Malakas akong bumuntong hininga bago muling nag-angat ng tingin. "Sige. Ayaw mong sabihin, fine. Ayos lang. Siguro nga, tama ka. Kalimutan nalang natin na nangyari 'to-"

"Babe..."

Hinawakan niya ang palapulsuhan ko ngunit agad ko ring hinawi ang kaniyang kamay. Malamig ko siyang tiningnan. "Bitiwan mo ako dahil marami pa akong kailangang gawin na mas mahalagang bukod sa pakikipag-usap ko sa 'yo," naiinis na sambit ko at tinaasan siya ng kilay.

"Are you mad?"

Malakas akong bumuntong hininga at pekeng tumawa. "Hindi. Masaya ako. Sobrang saya ko nga, e," sarkastikong sagot ko sa kaniya.

"Lyana... babe... you're not going to leave me, aren't you?"

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at kaswal na nagkibit-balikat. "Nangako ako kay Chantal na hindi ko siya iiwan dito at wala akong balak na hindi tuparin iyon. Kung iiwan man kita, isasama ko si Chantal at hahayaan kitang mag-isang mabulok dito."

Magsasalita pa sana siya para kontrahin ako ngunit naunahan ko na siya at tumalikod na sa kaniya. Narinig ko pa ang malakas niyang pagbuntong hininga bago ako dire-diretsong lumabas ng opisina. Hindi ko na siya nilingon pa dahil baka makita niya pa ang pangingilid ng luha ko.

Kalimutan...

Paano ko magagawang kalimutan ang lahat lalo pa't alam kong naghiwalay sila ng dati niyang asawa dahil nagloko siya? Paano kung... gawin niya rin ang bagay na iyon sa akin? Paano kung lokohin niya rin ako?

Perpekto ang pagsasama nila noon-tulad namin ngayon pero kahit na perpekto, nasira pa rin. Kaya paano ako makakasiguro na hindi na muulit pa ang nangyari noon?

Nang makalabas ng opisina niya ay saka nagsunod-sunod ang pagtulo ng luha mula sa aking mga mata. Napaupo ako sa may gilid ng opisina ni Preston at isinandal ang aking likod sa dingding. Tinakpan ko ang aking bibig upang hindi makagawa ng ingay at isinubsob ang ulo ko sa aking tuhod.

Hindi ko mapigilang matakot para sa sarili ko at sa dalawang bata kina Chantal at Jarvis. Dahil alam ko na sa oras na mag-away at magkalabuan kami ni Preston, silang dalawa ang pinaka-maaapektuhan. Pero hindi ko rin naman kasi magagawang magbulag-bulagan sa mga nangyayari sa paligid ko.

Mahal ko si Preston, oo. Mahal na mahal kaya ang hirap tanggapin na baka balang araw, unti-unti rin siyang mawala sa akin.

"Mama Lyana? Mama Lyana!"

Agad akong nag-angat ng tingin nang marinig ang boses ni Chantal mula sa hindi kalayuan. Mabilis kong pinahiran ang pisngi ko at sakto namang nakatakbo na siya palapit sa akin.

"Mama Lyana..." Dahil nakaupo ako ay yumuko pa siya para suriin ang mukha ko. "Are you crying po?"

Hindi niya kasama si Jarvis kaya naman nakahinga ako nang maluwag. Sigurado akong aawayin niya si Preston kapag nakita niya akong umiiyak at sakto namang nandito pa ako sa tabi ng opisina ni Preston.

Nag-angat ako ng tingin kay Chantal at pilit na ngumiti. Muli kong pinunasan ang luha sa aking pisngi habang nakangiti sa kanya. "Hindi, Chantal 'nak. Napuwing lang si Mama, hindi ako umiiyak," pagtanggi ko.

Bakas sa mukha niya ang pag-aalala kaya naman hindi na ako nagulat nang yakapin niya akp. Kinagat ko naman ang ibabang labi ko bago ko siya niyakap pabalik.

"Sad ka po, Mama Lyana?"

Marahan akong umiling. "Ayos lang ako, Chantal. Ayos lang si... M-Mama mo," sagot ko at mas hinigpitan pa ang yakap ko sa kaniya.

Pinigilan ko ang sariling umiyak ngunit kahit na anong gawin ko, hindi ko pa rin napigilan. "C-Chantal?"

"Po, Mama?"

"Tandaan mo na mahal na mahal kita, ah?" Lihim akong humikbi at ibinaba ang aking baba sa balikat niya kasabay ng paghigpit ng yakap ko sa kaniya. "K-Kahit sino pang Mama o Mommy mo, t-tandaan mong ako ang pinaka-nagmamahal sa 'yo, huh? M-Magiging sad ako kapag... hindi mo na ako maging l-love."

Patuloy sa pagtulo ang luha ko kaya naman alam kong alam na ni Chantal na umiiyak ako dahil basa na ang balikat niya., Mas lalo naman akong napahikbi nang sa pagkakataong iyon ay siya na ang kusang yumakap sa akin nang mas mahigpit.

"Mama Lyana, ikaw lang naman po ang Mama ko, 'di ba? Ikaw lang po ang Mama na love na love ko sa universe. Never po kitang hindi magiging love, Mama Lyana. I promise po. I will always love you po, Mama ko."

Tip: You can use left, right keyboard keys to browse between chapters.Tap the middle of the screen to reveal Reading Options.

If you replace any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.

Report